Mga sintomas ng pneumonia

Dear Doc. Shane,
Ilang araw nang nakalilipas, nalaman naming mayroong pulmonya ang aking tatay. Malakas siyang uminom ng alak at manigarilyo. Ang mga bisyo ba niyang ito ang dahilan kaya siya nagkasakit? Ano ang mga sintomas nito na dapat bantayan ng kanyang mga nakasasama sa bahay? — Luisita
Sagot
Ang pneumonia o pulmonya ay preventable (naiiwasan) at treatable (nagagamot) na sakit. Ito ay tumutukoy sa kondisyon kung saan may impeksiyon sa baga o parte ng respiratory system dulot ng bacteria, virus, fungi, parasites o pagpasok ng irritants sa baga tulad ng kemikal, pagkain o alikabok na dahilan ng pamamaga ng sistemang ito. Ang pneumonia o pulmonya ay karaniwang nagsisimula kapag ang tao ay huminga ng mikrobyo sa kanyang mga baga.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng pneumonia:
Pag-ubo na may halong uhog o dura (plema) mula sa baga na maaaring berde o may bahid ng dugo ang kulay
Mataas na lagnat
Mabilis na paghinga
Panginginig na may kasamang pangangatal ng mga ngipin
Bahagyang pagkulay asul ng labi at mga kuko
Mabilis na pagtibok ng puso
Paninikip ng dibdib na lumalala tuwing nauubo o humihinga
Pakiramdam na sobrang pagod o panghihina
Pagduduwal at pagsusuka
Madalas na pagdumi
Ano ang dapat gawin upang maiwasan ito?
Pagkuha ng pneumococcal vaccine, lalo na kapag higit sa edad 65, naninigarilyo o hindi at may sakit sa puso o baga. Sinasabing hindi garantisado na hindi ka magkakasakit ng pneumonia kung may vaccine ngunit, kung sakali naman ay hindi kasing lubha ang magiging sintomas. Maaaring makatulong ang influenza vaccine. Importanteng makipag-ugnayan kayo sa mga doktor tungkol dito.
Makabubuti rin kung iiwasan ang mga taong may trangkaso, sipon, measles o chickenpox dahil maaari kayong magkapulmonya pagkatapos magkasakit nito. Ipinapayo ang madalas na paghuhugas ng mga kamay gamit ang sabon upang mapigilan ang pagkalat ng virus at bacteria na nagdudulot ng pneumonia, gayundin, ang paghuhugas ng maayos ng mga kasangkapang ginamit sa pagluluto at pagkain. Sikapin din na magkaroon ng healthy lifestyle tulad ng pag-eehersisyo, pagtigil sa paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak, gayundin, ang pagkakaroon ng sapat na tulog.





Comments