GILAS MAY BAGONG LOGO, COACH TAB ULI SA TEAM
- BULGAR

- May 11, 2019
- 1 min read

MULING magiging bahagi si dating national men’s team coach Tab Baldwin ng Gilas Pilipinas Program.
Si Baldwin ay itinalaga bilang program head ng Gilas Pilipinas Youth.
Ito ang inihayag ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio noong Miyerkules ng gabi kasabay ng paglulunsad nila ng bagong logo ng SBP at ng Gilas program. “We will appoint Tab Baldwin as the program director for Gilas Pilipinas Youth,” pahayag ni Panlilio.
Huling nagsilbi si Baldwin bilang mentor ng Gilas Pilipinas noong 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Manila. Ngunit binigyang linaw naman ni Panlilio na mananatili pa rin si Sandy Arespacochaga bilang national youth team head coach. Maliban kay Baldwin, itinalaga rin si Gilas head coach Yeng Guiao bilang program head ng men’s team, si long-time women’s mentor Patrick Aquino para sa kabuuang programa ng women’s team at si Ronnie Magsanoc para sa 3×3 program.
Kasama nilang itinalaga si Jong Uichico bilang direktor ng SBP Academy Coaches and Tournaments at si Atty. Rebo Saguisag bilang head ng SBP Academy – Referees & Table Officials.
Sinabi rin ni Panlilio na ang lahat ng national teams magmula sa Men’s Team hanggang 3×3 ay dadalhin ang bansag na Gilas.
Ang women’s team na kilala dati bilang Perlas Pilipinas ay magiging Gilas Pilipinas Women’s at ang youth team ay magiging Gilas Pilipinas Youth mula sa dating Batang Gilas; at ang 3×3 naman ay tatawaging Gilas Pilipinas 3×3.(VA)





Comments