Alvarez, tinuluyan sa ombudsman

SINAMPAHAN ng kasong katiwalian at pandarambong si dating House Speaker Pantaleon Alvarez ng kayang security aide.
Sa 12-pahinang reklamo ni Jeffrey Lopez Cabigon sa tanggapan ng Ombudsman sa Mindanao, inakusahan nito si Alvarez at ang dati nitong chief of staff na si Edwin Jubahib ng paglabag sa R.A. 7080 o Plunder Law at R.A 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Walang piyansa ang kasong pandarambong laban sa isang opisyal ng pamahalaan na nakapagkamal ng nakaw na yaman na higit sa P75 milyon.
Sa kopya ng reklamong inihain kay Prosecutor Rizalyn Gonzales ng Davao City na ibinahagi sa media, inihayag ni Cabigon ng Bgy. Tibulao, Carmen, Davao del Norte na may 11 pagkakataon niyang nasaksihan nang personal kung paano umano nagkamal ng salapi sina Alvarez at Jubahib habang nasa posisyon na ginamit nilang pambili ng mamahaling sasakyan at malalaking ektarya ng lupain sa Panabo at Davao Cities.
Nakilala umano niya si Jubahib noong 2016 habang nagtatrabaho sa minahan.
Pareho lang aniya silang mahirap ni Jubahib at nangungutang pa ito kaya naging magkaibigan din sila
Nagbago lamang aniya ang kapalaran ni Jubahib nang maging House Speaker na si Alvarez sa 17th Congress.





Comments