SUV nawalan ng preno, 5 nadale

ISA ang patay habang apat na iba pa ang sugatan matapos araruhin ng SUV ang tatlong sasakyan nang mawalan umano ng kontrol at preno sa Trece Martires City sa Cavite, kamakalawa.
Base sa imbestigasyon, alas-12:05 ng tanghali nang maganap ang karambola sa Indang-Trece Road, Bgy. Luciano.
Minamaneho umano ni Angelito Gadon, 38, ang Ford Everest (NAL 1080) nang mawalan ng kontrol at sa kabila umano ng pagtapak niya sa preno ay hindi agad kumagat kaya sumalpok siya sa tricycle (AC 23101) na minamaneho naman ng biktimang si Aurelito Pecson, 61, na tumilapon mula sa tricycle at pumailalim sa SUV dahilan upang masagasaan ito.
Sa lakas ng impact, sumadsad sa kabilang linya ang tricycle dahilan upang masalpok ang kasalubong na Toyota Vios (XNB 469) na minamaneho ni Efren Sangangbayan, 44, kaya na-sandwiched ang tricycle sa dalawang sasakyan.
Matapos nito ay bumangga pa ang SUV sa isa pang tricycle (4954 DY) na minamaneho naman ni Angelito Vicedo, 58.
Dinala sa Gen. Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ang mga biktima na pasahero ng mga tricycle na sina Vidalyn Nueva, 10, at Glory Antonette dela Cruz Bacarro, 20, at ang tatlong driver ng binanggang mga sasakyan. Gayunman, dahil sa matinding pinsalang tinamo ay namatay si Pecson.





Comments