PHL TANKERS, ISASABAK SA HIGH STANDARD TRAINING

NAKATUON ang programa ng Swimming Pinas – binubuo ng elite swimmers ng Philippine Swimming League (PSL) – na mabigyan ng mas mataas na antas ng pagsasanay at kompetisyon sa local at international para sa hangaring makalikha ng bagong bayani sa sports.
Inamin ni Joan Mojdeh, team manager ng Swimming Pinas, na wala pang sapat na budget ang grupo, ngunit siksik-liglig sa talento ang mga miyembro na may malaking potensyal na makapagbigay ng karangalan sa bansa bilang mga miyembro ng National Team. “Our mission is to give our elite swimmers a chance to reach their full potential through proper training and guidance. Of course we need resources, but right now, nagtutulung-tulong kaming mga parents para sa kanilang mga needs,” pahayag ni Mojdeh.
“Malaki po ang potential ng aming mga swimmers na makasama sa National Team in the future, hopefully makalangoy sila this coming Sea Games in December,” sambit ni Mojdeh sa kanilang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club sa Intramuros.
Kumpiyansa naman si coach Virgie de Luna na mapabibilang ang Swimming Pinas swimmers sa National Team, bunsod na rin ng ipinamalas na kahusayan ng mga ito sa nakalipas na Palarong Pambansa sa Davao City. “All our swimmers won medals in just concluded Palarong Pambansa led by Micaela Jasmine Mojdeh who broke two junior national records and Marc Dula,” sambit ni De Luna. Naitala ng 12-anyos na si Mojdeh ang bagong marka sa 200 meter butterfly sa bilis na 2:22.69 para lagpasan ang dating record na 2:25.21 ni Suzanne Vernon.





Comments