Driver, nagbaril sa dibdib at noo

KRITIKAL ang 53-anyos na driver matapos magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng dalawang beses na pagbaril sa sarili sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Ginagamot sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib at noo si Jervin Ganaden, ng Bgy. Marulas.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. David Nicolas Poklay, alas-7:15 ng umaga nang madiskubre ang insidente ng asawa ng biktima na si Consorcia matapos nitong marinig ang dalawang magkasunod na putok mula sa kanilang banyo.
Sapilitang binuksan ni Consorcia ang kanilang banyo at laking-gulat nito nang makita ang kanyang asawa na nakaupo sa toilet bowl na may tama ng bala sa dibdib at noo.
Ipinaalam ng asawa ng biktima sa kanilang mga kaanak ang insidente na agad namang humingi ng tulong sa Valenzuela Rescue Unit.
Isinuko naman ng mga kaanak ng biktima ang cal. .38 revolver na kargado ng apat na bala at dalawang basyo ng bala sa mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 3 na rumesponde sa naturang lugar habang inaalam pa ang motibo sa tangkang pagpapakamatay ni Ganaden.





Comments