top of page

Babala sa madalas nakararanas ng panghihina at pagkahapo!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 10, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay college student at paborito kong kumain ng street food dahil ito lang ang kaya ng budget ko. Nitong mga naka­raang araw, madalas sumasakit ang aking tiyan. Nahihirapan akong makatulog dahil hindi ako komportable. Ang sabi ng kumare ni mama ay baka raw problema ito sa bituka dahil ‘yung pamangkin niya ay mahilig din daw kumain sa turu-turo at na-diagnosed ito na may colon cancer. Ano ba ang mga sin­tomas ng colon cancer? Nababahala ako dahil malapit na ang pasukan at baka maabala nito ang aking pag-aaral. — Angela

Sagot

Ang colon cancer ay cancer sa malaking bituka (large intestine). Ito ay nasa ibaba o pang­huling bahagi ng digestive system ng ating katawan. Ang rectal cancer naman ay nasa huling labinlimang sen­timetrong (15 cm.) bahagi ng malaking bituka. Kapag magkasama ito ay karaniwang tinataguriang colorectal cancer.

Ang colorectal cancer ay pangatlo sa pinakalaganap na cancer sa Pilipinas at maging sa buong mundo. Ang colon cancer ay lubhang nakamamatay subalit, maaari itong mabigyan ng lunas kung maaagapan.

Pangkaraniwang ang colon cancer ay nagsisimula bilang maliit na polyps. Sa paglipas ng maraming taon, ang ilan sa mga polyp na ito ay maaaring maging cancer. Bihirang may sintomas na mara­ramdaman kapag may­ro­ong polyps. Ang pinakama­inam na gawin ay regular na magpasuri sa doktor upang maalis ang mga polyp bago pa ito maging colon cancer.

Narito ang ilan sa mga maaaring maging palatandaan nito:

  • Pagbabago sa ugaling pagdumi.

  • Dugo o bahid ng dugo sa dumi.

  • Walang lubay na pananakit ng tiyan o puson at pagkakaroon ng kabag (gas or cramps).

  • Pananakit ng tiyan/puson habang dumu­rumi.

  • Pakiramdam na parang hindi lubos ang pagdumi.

  • Hindi maipaliwanag na anemia o kakulangan sa dugo.

  • Madalas na panghihina at pagkahapo.

  • Pagbaba ng timbang na walang maipaliwanag na dahilan.

  • Pagkitid ng sukat ng dumi.

  • Pagkaduwal (nausea) at pagsusuka.

Sa pamamagitan ng tamang pagsusuri, ang colon cancer ay maaaring matuklasan bago pa magkaroon ng mga sintomas, kung kailan ito ay pinakamadaling maagapan at mapagaling.

Ang colon cancer ay kada­lasang nagsisimula sa panloob na balot (lining) ng malaking bituka. Sa paglaki ng tumor, maaari itong bumara sa dinaraanan ng dumi kaya nagkaka­roon ng mga sintomas. Ang tiyan ay maaari ring lumaki at ang malaking bituka ay maaaring mabutas. Ang colon cancer ay maaaring kumalat sa ibang bahagi ng katawan (metastasis) sa pamamagitan ng dugo at sistemang limpatika (lymphatic system). Ang karaniwang pinupuntahan nito ay ang atay, baga at peritonyo (peritoneum).

Ang colon cancer ay dapat matuklasan nang maaga habang wala pang sintomas. Ito ay ma­aaring matamo sa pamamagitan ng pag­susuri gamit ang co­lonoscopy; fecal occult blood test (FOBT) na may kasamang flexi­ble sigmoidoscopy; barium enema o CT virtual colonoscopy.

Sa isang banda, kung may nara­ranasang mga palatandaan ng colon cancer o polyps, ang colonoscopy ang naaangkop na gamitin. Kung ang polyps ay matagpuan, ito ay maaari nang tanggalin at ipasuri sa laboratoryo upang malaman kung ito ay malignant (cancerous). Ang pagtanggal ng mga polyp ay makatutulong upang ito ay hindi maging cancer sa paglipas ng mga taon. Ganito rin ang gagawin kung tumor ang matagpuan sa bituka.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page