World class na sistema ng edukasyon para sa kinabukasan ng kabataan, aprub!
- Win Gatchalian
- May 9, 2019
- 2 min read

SA ating bansa matatagpuan ang pinakamatandang unibersidad sa Asya, ito ang University of San Carlos sa Cebu City na itinatag noong 1595.
Ilan din sa mga matatandang unibersidad at kolehiyo ay ang University of Santo Tomas na itinayo noong 1611 habang ang Colegio de San Juan de Letran naman ay noong 1620.
Maraming estudyante na mula pa sa iba’t ibang bansa tulad ng Vietnam, Korea, Indonesia, Taiwan at iba pa ang dumarayo sa ating bansa upang makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
Kaya kailangang patuloy lamang na makiakma ang ating bansa sa kalakaran ng edukasyon sa ibang bansa na tinatawag na globalisasyon at internasyunalisasyon.
Mainam na ang mga kolehiyo at unibersidad ay nakikilahok sa World at Asia university rankings; international program accreditation at quality assessment; faculty at student exchange; research; publication at citation at international networking at linkages.
Isa pa sa ating tinutugunan ay ang pagsunod sa mga requirement ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) integration tulad na lamang ng faculty qualifications accreditation at curricular review.
Nararapat ding bigyang-pansin ang mga aralin sa engineering, nursing, surveying, architecture, dentistry, medicine at accountancy para sa pagpapabuti ng access at kurikulum ng mga estudyanteng nasa kolehiyo.
Dapat palagi tayong bukas sa pagbabago para sa ikahuhusay ng mga susunod na henerasyon.
Ito sana ay magsilbing hamon para sa ating lahat upang mas lalo pa nating mapaangat ang kalidad ng ating edukasyon, lalo na sa kolehiyo kaya naman todo ang ating pagtutulak ng iba’t ibang mga panukala at polisiya upang makamit natin ang mataas at world class na sistema ng edukasyon para sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.
Tulad na lang ng University of the Philippines o UP na naging pang-apat sa pinakamagaling na unibersidad sa 100 institusyon sa Southeast Asia, ayon sa London-based magazine na Times Higher Education, base ito sa kalidad ng pagtuturo, research, citation, industry income at international outlook.
Panahon na upang ibalik ang ganitong magagandang pagkilala sa ating bansa.
Sa pamamagitan nito, hindi tayo dapat maging kampante lamang sa kung ano ang kasalukuyang estado sa sektor ng edukasyon kundi maging mapamaraan at malikhain sa pagpapahusay pa lalo nito upang makasabay tayo sa bilis ng pagbabago at pagpasok ng modernong teknolohiya.
Ating patunayan na hindi nalalayo at pahuhuli ang kabataang Pilipino sa kanilang husay at galing sa pag-aaral!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments