NUGGETS AT RAPTORS, NAMUMURO SA FINALE


NAKAPAGSALPAK si Nikola Jokic ng 25 points, 19 rebounds at 6 assists, habang umiskor si Paul Millsap ng 24 points nang yanigin uli ng Denver Nuggets ang Portland Trail Blazers, 124-98, sa Game 5 ng kanilang Western Conference semifinal series sa NBA playoffs game kahapon.
Hawak na ng Denver ang abanseng 3-2 na panalo sa best-of-seven series, mula sa bisa ng 18 points at nine assists na pinukol ni Jamal Murray. Tumapos si Gary Harris ng 16 points, habang sina Malik Beasley at Will Barton ay may tig-10 puntos para sa Nuggets.
Ang Game 6 ay sa Huwebes sa Portland, kung saan nagwagi ang Nuggets noong Linggo sa Game 4 para sa isang homecourt advantage. Kung magkakaroon ng Game 7, lalaruin ito sa Linggo sa Denver. Isang panalo na lang para sa Nuggets ang maglalagay sa kanila para sa ikaapat na Western Conference finals at kauna-unahan sa loob ng 10 taon.
Humataw si Damian Lillard ng 22 puntos para sa Portland na hinarap ang elimination game sa unang pagkakataon sa playoffs na ito. May tig-14 puntos na iniskor sina Rodney Hood at Zach Collins habang may 12 puntos si CJ McCollum.
Sa iba pang laro, giniba rin ng Toronto Raptors ang Philadelphia 76ers para sa 3-2 series lead. Bumanat si Kawhi Leonard ng 21 puntos at sumunggab ng 13 rebounds nang gapiin ng Toronto Raptors ang bisitang Philadelphia 76ers, 126-89, kahapon para sa 3-2 lead sa kanilang Eastern Conference semifinal series.
Magagawa na ng Raptors na sungkitin ang best-of-seven kung magwawagi sa Game 6 sa Philadelphia.
Kung magkakaroon ng Game 7 ay maglalaro sa Linggo sa Toronto.
Nakabasket si Pascal Siakam ng 25 points at 8 rebounds para sa Raptors. Dumagdag si Kyle Lowry ng 19 puntos, si Danny Green ay may 17 points, may kontribusyon si Marc Gasol na 11 habang si Serge Ibaka ay umiskor ng 10.
Kinailangang tahiiin ang noo ni Ibaka nang masiko ni Leonard sa first quarter pero ang sentro ay nagbalik sa simula ng second quarter. (MC/ATD)





Comments