Dragon. Ahas, Baka at marami pang iba... MGA ANIMAL SIGN NA KATUGMA NG TIPIKAL NA TANDANG
- BULGAR

- May 9, 2019
- 2 min read


DAGDAG pa rito, dahil inaakala ng Tandang na matalino at magaling siya, tunay ngang bihira sa kanila ang tamad. Kaya makikita mo sa Tandang na palaging may pinag-uukulang gawain ang kanilang nag-uumapaw na enerhiya. Kaya kapag nakatagpo ka ng Tandang na walang ginagawa, tiyak na ang Tandang na ito ay sobrang bigo sa buhay.
Karamihan kasi sa Tandang ay inaakala o feeling nilang tagumpay sila sa buhay, kaya palagi mo silang matatagpuang positive, masagana, kilos nang kilos, aktibo at nagkukunwaring masaya.
At dahil sa taglay nilang galing, kung minsan ay nagiging maganda ang kanilang suwerte at kapalaran. Ang kuwento ng magsasaka na nakahukay ng kayamanan sa gitna ng kanyang bukirin ang eksaktong kuwento sa buhay ng Tandang. Ibig sabihin, sa kaiikot at kakikilos niya, nakatagpo ang Tandang ng dambuhalang suwerte at magandang kapalaran nang hindi niya inaasahan.
Sinasabi ring sa umpisa, anuman ang kanyang ginagawa, tunay ngang may pambihirang pangarap, sigasig at kakaibang sigla ang Tandang at kung minsan, ang buhay ng Tandang ay maihahalintulad kay Don Quixote de la Mancha, sa nobela ng Spanish writer na si Miguel de Cervantes dahil maangas at tuluy-tuloy lang siya sa pakikibaka kahit na sa bandang huli ay hindi niya napansin na windmill na lang pala ang pinipilit niyang itumba.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sinasabing kung wala kang hilig sa debate at pakikipagtalo, kumbaga, “silent type personality” ang iyong pagkatao, tunay ngang hindi ka bagay sa Tandang na sobrang daming alam sa anumang bagay na nakikita at naoobserbahan niya.
Dagdag pa rito, kung ang makapapareha mo o magiging boyfriend o girlfriend ay Tandang, tiyak na kahit mahal na mahal ka pa niya, paniguradong makatitikim ka ng masasakit niyang pamimintas dahil tulad ng nasabi na, likas na pintasero at napakaperpeksiyunista ng tipikal na Tandang.
Kaya upang makasundo mo ang maangas at akala mong napakagaling na Tandang, kailangang maipadama mo sa kanya na palagi ka niyang kasama at kakampi sa lahat ng mga pangarap, ambisyon at hinahangad niya sa buhay dahil karaniwan sa mga Tandang kahit na maangas at sobra ang tiwala sa sarili, sa kanilang pag-iisa sa kaibuturan ng kanilang puso, nalulungkot din sila at naghahanap ng tunay na kakampi at magmamahal sa kanila.
Bagay na bagay ang Tandang sa matalino at madiskarteng Ahas. Tugmang-tugma rin sa pagiging maangas at energetic na Tandang ang masipag at masikap na Baka.
Ang mga pagtatangka at ambisyon ng Tandang na hindi niya mabigyang-katuparan ay magagawang bigyang-katuparan ng mahusay at magaling na Dragon, kaya ang Dragon at Tandang ay bagay na bagay sa isa’t isa.
Maa-appreciate rin ng Tigre, Unggoy, Baboy, Kambing o Tupa, ang pagiging mahusay at maangas ng Tandang kung saan ang nasabing mga animal sign ay sadya ring ka-compatible ng tipikal na Tandang.
(Itutuloy)




Comments