Sangkot sa pagpatay | MAYOR BALDO, SUMUKO KA NA — PNP

NANAWAGAN si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na lumutang na ito at sumuko sa batas.
Kasunod ito ng utos ng Legazpi City Regional Trial Court Branch 10 na arestuhin si Baldo.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Albayalde na mas maigi nang sumuko dahil darating din ang araw na haharapin nito ang korte.
Natanggap ng mga opisyal ng Albay Provincial Police Office ang kopya ng arrest warrant dahil sa inihaing kasong double-murder at attempted murder laban kay Baldo.
Si Baldo rin ang itinuturong responsable sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at security escort na si Police Senior Master Sergeant Orlando Diaz.
Matatandaang, hindi na nagpakita pa sa publiko at tuluyang lumayo si Baldo matapos itong makapagpiyansa sa unang kaso nitong illegal possession of firearms.





Comments