top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Road safety education sa mga paaralan, aprub!

Win Gatchalian
May 7, 2019
2 min read

ANO ba talaga ang sikreto para ma­lutas ang lumalalang trapiko sa Metro Manila?

Ayon sa pag-aaral ng Japan Inter­national Cooperation Agency (JICA), ang kakulangan sa disiplina ng mamamayan ang pangunahing dahilan ng matinding trapiko sa bansa.

Karaniwang nakakakita tayo ng mga pasaway na driver, jaywalker, vendor sa kalsada at dumaraming sasakyan na kolorum.

Idagdag pa rito ang illegal parking, bus, jeep o tricycle na gumagawa ng sa­riling terminal, ang mga pabayang motorsiklong humaharurot sa kalsada at maging ang mga motorsiklong na­hahagip ng ibang mga sasakyan kaya bumabagal ang daloy ng trapiko.

Isama pa natin ang lumulobong bilang ng mga bagong rehistradong sasakyan, taun-taon. Dahil dito, nakalulungkot na P3.5 bilyon na kinikita kada araw ang nawawala dahil sa suliraning ito.

Isa tayo sa mga nagtutulak ng panu­kalang-batas upang mawakasan na ang nakaaalarmang pagsubok na ito sa lahat ng mga Pilipino, isa na rito ang Senate Bill No. 994 o National Traffic Enforce­ment and Management Act.

Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga traffic enforcer upang magka­roon ng pormal na pagsasanay at ka­alaman sa kanilang pangangasiwa at pa­mamahala, lalo na tungkol sa kaligta­san ng mga motorista, aksidente, imbes­ti­gas­yon, driver’s training, post-accident management at pang-unawa sa mga paglabag at parusa.

Bubuuin ang National Traffic Enforce­ment and Management Center (NTEMC) bilang training center na responsable sa pagtuturo sa publiko sa wastong pagsu­nod sa trapiko at mga batas-trapiko.

Daraan sila sa mga pagsasanay upang matukoy ang mga sanhi at bunga ng aksidente sa daan.

Umaasa tayong maisasama rin sa pag­tuturo ang road safety education sa mga paaralan bilang paghahanda ng mga estudyante, lalo na ang mga nasa legal age at marunong nang magmaneho.

Ito ay para sa kanilang kaalaman tulad ng mga dapat sundin na tuntunin, tungkulin at nakaabang na parusa o pe­nalty na may kaugnayan sa trapiko at pagmamaneho.

Mahalagang habang maaga pa ay maibahagi na ang wastong disiplina at pag-iingat sa daan upang madala nila ito hanggang sa kanilang paglaki at ang mas mainam pa, maibabahagi rin nila ito sa susunod pang henerasyon.

Tulad ng palaging naririnig sa ating mga magulang at nakatatanda, dapat magsimula sa ating mga sarili ang ta­mang disiplina.

Kung sa ibang bansa, kailangang su­munod sa kanilang patakaran dahil sa takot na maparusahan, mas lalo namang dapat tayong sumunod sa mga alitun­tunin sa ating sariling bansa.

Dahil dito, malaki ang kahalagahan ng edukasyon sa pagtuturo ng disiplina dahil ito ang tulay tungo sa maayos at mapayapang pamumuhay.

Kung mapagtitibay natin ang di­siplina sa bawat kabataan, tiyak ang ma­laking pagbabago sa susunod na hene­rasyon at siguradong makakamit ang kaayusan sa ating lipunan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page