Hindi raw sa IBP | ‘BIKOY’, DAPAT SA MENTAL HOSPITAL NAGPUNTA

BINUWELTAHAN kahapon ni dating Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go si Peter Joemel Advincula makaraang magpakilala na siya si alyas Bikoy.
Ayon kay Go, tila nagkamali ng pinuntahan si Advincula kung saan sa halip na nagtungo sa Integrated Bar of the Philippines-National Center for Legal Aid (IBP-NCLA) ay dapat nagtungo na lamang ito sa mental hospital.
“May sinabi siya noon na kapag ipinakita ko ang aking likod ay titigil na siya. Hinubad ko na at ipinakita ang aking likod. Wala kayong nakitang tattoo. Palagay ko, gusto naman niyang makita ang aking bilbil. Kung gusto ninyong makita uli, puwede kong namang ipakita muli. Gusto niyo?” ani Go.
Ayon kay Go, ito na ang huling beses na huhubarin niya ang kanyang damit dahil tila nagiging utu-uto na umano siya kung gagawin pa niya ito sa ikatlong beses.
Nauna rito, lumutang na si alyas Bikoy na nasa likod ng video na nag-uugnay sa ilang kaanak at mga tauhan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.
Nagtungo ito sa tanggapan ng IBP sa Pasig City upang humingi ng legal assistance.
Nais umano niyang magsumite ng affidavit at maghain ng kaso laban sa mga personalidad na isinasangkot niya sa kanyang video na “Ang Totoong Narcolist” series.
Ayon kay ‘Bikoy’, nagpasya siyang lumantad dahil binabagabag na siya ng kanyang konsensiya at dahil na rin sa mga pagbabanta na natatanggap niya sa kanyang buhay.
Kabilang sa mga tinukoy na ‘Bikoy’ na sangkot sa droga sina dating Davao Vice-Mayor Paolo Duterte, dating SAP Sec. Go at Maneses Carpio, na asawa ni Presidential Daughter at Davao City Mayor Sara Duterte. Binanggit din sa naturang videos ang partner ni Pangulong Duterte na si Honeylet Avanceña at ang dalagitang anak na si Kitty, at ang buong Quadrangle Group na galing sa Bicol.
Mariin namang pinabulaanan ni ‘Bikoy’ na konektado siya sa sinumang kandidato o political party at maging sa senatorial slate ng oposisyon.





Comments