REAL GOLD KAMPEON

ITINANGHAL na kampeon ang Real Gold sa katatapos na Philtobo “Gintong Lahi Graduate Stakes Race” na ginanap sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite kahapon.
Ang Real Gold na naorasan sa bilis na 1:40.02 sa 1,600 meters ay nag-uwi ng P1.2 Milyon matapos tanghalin na kampeon.
Pumangalawa ang Jayz na tumanggap ng P450,000 premyo at pumangatlo ang PeterSaints na nagkamit naman ng P250,000 at P100,000 sa pumang-apat na My Shelltex.
Sa umpisa ng karera, bumandera ang My Sheltex habang pumangalawa ang Storm Bell hanggang sa kalahati ng laban. Umusad ang mga kalaban pagdating sa likuan habang paparating ang segunda llamado na Real Gold hanggang kunin ang unahan sa My Sheltex, dumating na segunda ang dehadong Jayz at pumangatlo ang PeterSaints at pumang-apat ang My Sheltex.
Ang Real Gold ang kauna-unahang nagkampeon sa PHILTOBO “3 YO Gintong Lahi Graduate Stakes Race” para sa taong 2019.
Maganda ang naging diin ni John Paul A. Guce nang sunggaban niya ang ikatlong puwesto pagdating sa huling likuan hanggang agawin kay My Sheltex ang unahan na unti-unting nanghihina na hanggang sa dumating ang pumangalawang si Jayz. Naghihintay ang Real Gold sa 1st Triple Crown ngayong buwan.
Samantala, nakatakdang bitawan ang 2019 Philracom “4 Year Old & Above Open Stakes Race” sa Mayo 19 sa Metro Manila Turf Club, Inc (MMTCI) sa Malvar, Batangas.
Tatawid sa 1,600 meter na distansiya ang gustong lumahok na nasabing karera. Bukas sa lahat ng 4 Year Old & Above na imported at local horses ang nasabing pakarera. Tatanggap ng P300,000 ang tatanghaling kampeon, habang mag-uuwi ang 2nd placer ng P112,500, tatanggap ng P62,500 ang 3rd placer at P25,000 ang 4th placer.





Comments