7 nadale sa NPA

SUGATAN ang pito katao kabilang ang apat na sibilyan at tatlong sundalo nang atakehin sila ng mga miyembro ng New People’s Army sa Camarines Sur.
Sa report na nakarating kay Capt. Joan Pramis, public affairs chief ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, nag-aayos ang mga biktima ng sirang tubo ng tubig nang bigla silang paputukan ng mga rebelde sa bahagi ng Sitio Burong-Burong sa Bgy. Malinao, alas-7:40 Sabado ng umaga.
Pansamantalang hindi muna pinangalanan ang mga biktima dahil sa kanilang seguridad at sila ay patuloy na ginagamot sa ospital.
Ayon kay Pramis, hindi bababa sa sampung rebelde ang umatake sa mga biktima kung saan dinipensahan ng tatlong sundalo ang kanilang mga sarili at ng kasamang mga sibilyan sa loob ng 15 minuto bago humupa ang barilan.
Lumabas sa imbestigasyon na intensiyon ng mga rebelde na sirain ang water system sa buong barangay.
Karagdagang mga tropa ng sundalo ang naipadala na sa lugar upang magbantay sa ginagawang water system bukod pa rito ang pagkasa ng pursuit operation para tugisin ang mga NPA na nasa likod ng pag-atake.





Comments