2 tserman pinagbabaril, todas

DALAWANG barangay chairmen ang pinagbabaril hanggang sa mapatay sa magkahiwalay na pananambang sa Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Edgardo Vinas, 49, kapitan ng Bgy. Dapaon, bayan ng Sindangan, Zamboanga del Norte at pangulo rin ng Association of Barangay Captains (ABC) at Ibrahim Ungad, chairman ng New Labangan, Zamboanga del Sur.
Ayon kay Police Regional Office 9 Director Police Brigadier General Emmanuel Luis Licup, unang binaril si Viñas sa entrada ng ABC Hall sa Bgy. La Roche, Sindangan.
Batay sa imbestigasyon, katatapos lamang umanong dumalo sa kanilang sesyon nang barilin si Viñas ng hindi nakilalang suspek gamit ang mahabang armas.
Makaraan ang pamamaril, sumakay ang suspek sa naghihintay na motorsiklo saka tumakas patungong J. Teaño St., Bgy. Goleo.
Naisugod pa sa Sindangan District Hospital ang biktima ngunit, binawian din ito ng buhay.
Samantala, tinambangan sa labas ng kanyang bahay si Ungad sa Purok Caimito, Bgy. Tuburan, Pagadian City.
Napag-alaman sa report na palabas ng bahay ang biktima at pagdating sa kanilang gate ay doon na ito nilapitan ng hindi nakilalang suspek at binaril gamit ang improvised 12-gauge shotgun.
Tumakas ang suspek sakay ng hindi naplakahang motorsiklo patungong Bgy. Tiguman, Pagadian City. Sa Hofileña Hospital na binawian ng buhay ang biktima.
Ani Licup, dalawa ang posibleng motibo sa paglikida kina Vinas at Ungad, una ay kapwa re-electionist ang mga ito at pangalawa, ang pagkontra sa iligal na droga sa kanilang nasasakupan.





Comments