SEPAK TAKRAW, 2 BRONZE SA ARAFURA GAMES

NAGDAGDAG ang Pilipinas ng dalawang bronze medals nitong Huwebes mula sa sepak takraw sa 2019 Arafura Games, na pormal na ring nagsara kahapon sa Darwin, Australia.
Tinalo nina Dominic James Sagosoy, Aljon Yipon at Jundy Puton ang India sa men’s doubles, habang sina Allyssa Bandoy, Josefina Maat at Gelyn Ebora ay nagwagi kontra Sabah sa women’s doubles, parehong sa straight set sa bronze medal match ng sepak takraw.
Iyan ang nakadagdag sa kabuuang 30 golds, 48 silvers at 30 bronze ng Pilipinas hanggang sa final day ng kompetisyon at closing ceremonies sa Darwin Waterfront.
Bronze medal ang naiuwi ng Philippine Sepak Takraw matapos matalo ang men’s team ng Universiti Putra Malaysia habang ang women’s squad ay sumuko rin sa Indonesia sa semifinal round.
Nalampasan na ng Pilipinas ang 27 gold medal ng bansa na naibulsa noong 2011 at pakay pang makadagdag ng marami pang medalya makaraang ang ibang atleta ay umabanse sa knockout stage ng kani-kanilang kompetisyon.
Namayani sa men’s boxing si John Christian Noces kontra kay Mark Flordeliza ng Northern Territory sa bisa ng split decision upang umabanse sa welterweight semifinals at sumuntok ng bronze medal.
Ginapi nina Hachaliah Gilbuena at Johnrel Amora ang Vanuatu, 25-23, 21-15, para makaentra sa quarterfinals ng men’s beach volleyball tournament.
Natalo ang men’s basketball team sa Northern Territory Top End, 95-85, noong Huwebes pero habang isinusulat ito ay pakay makapasok sa gold medal match kontra WA Indigenous.





Comments