top of page

Mga sintomas ng dehydration

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 5, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Naospital ang ka­patid kong bunso sa sobrang dehydration dahil sa pagsusuka at pagtatae nito ng ilang araw. Ang sabi ng doktor ay mabuti na lang daw at naisugod agad siya sa ospital dahil maaari raw mauwi sa kamatayan kung hindi ito naaga­pan. Sa pagta­tae at pagsusuka lang ba nade-dehydrate ang tao? Ano ang sanhi at sintomas nito? — Jillian

Sagot

Ang dehydration ay kondisyon na nararanasan kung may kakulangan sa tubig ang katawan. Naga­ganap ito kung hindi napapalitan nang husto ang tubig na lumalabas sa katawan o sa madaling salita, mas maraming lumalabas na tubig kaysa sa pumapasok na tubig sa katawan. Maraming paraan ng pagkawala ng tubig sa katawan bawat araw. Maaaring ito ay sa paraan ng pag-ihi, pagpapapawis, pagdumi at maging sa paghinga ngunit, dahil sa ilang sirkumstansiya tulad ng ilang karamdaman, sobrang pagpapapawis at sobrang init ng panahon at hindi sapat ang tubig na naiinom, may posibilidad na maubos ang tubig sa katawan at humantong sa dehydration.

Ang tuluy-tuloy na kawalan ng tubig sa katawan ay maituturing na emergency na nangangailangan ng agarang gamutan sapagkat nawawala rin ang mga mineral at electrolytes kasabay ng nauubos na tubig sa katawan na kung mag­tutuluy-tuloy na maubos ay maaaring ikamatay.

Ano ang mga sin­tomas ng dehydration?

Ang pagkakaranas ng dehydration ay maaaring magpakita ng iba’t ibang sintomas na depende sa lala ng kondisyon na narara­nasan. Kung ang kakulangan ng tubig sa katawan ay katamtaman lamang, maaaring maranasan ang mga sumusunod na sintomas:

  • Nanunuyo at nanlalagkit na bibig

  • Pananamlay

  • Madaling pagkapagod at pagiging antukin

  • Pagkauhaw

  • Kakaunting pag-ihi

  • Kakaunti o halos walang luha sa pag-iyak

  • Panunuyo ng balat

  • Pagkahilo

  • Pananakit ng ulo

  • Hirap sa pagdumi

Para naman sa mga malalalang kondisyon ng dehydration, maaari namang maranasan ang mga sumusunod:

  • Sobrang pagkauhaw

  • Pagkalito at pagiging iritable

  • Sobrang panu­nu­yo ng bibig

  • Kakaunti o halos walang ihi

  • Nanunuyo ang mga mata

  • Sobrang panunuyo ng balat

  • Mabilis na tibok ng puso

  • Mabilis na paghinga

  • Lagnat

  • Pagdedeliryo o ka­walan ng malay-tao

Tandaan, na ang mga simpleng kaso ng dehydration ay kadalasang nalulu­nasan sa pag-inom ng sapat na tubig o iba pang uri ng inumin na mayaman sa electrolytes ngunit, sa pagka­karanas ng mga malalang sintomas, makabubuting magpatingin agad sa doktor dahil ang malalang kondisyon ng dehydration ay maitu­turing na emergency.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page