Holdaper patay sa pulis

TODAS ang umano’y holdaper nang makipagbarilan sa mga pulis matapos nitong holdapin ang isang babae kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Ayon sa report ng Caloocan City Police, alas-6:50 kamakalawa ng gabi nang maganap ang panghoholdap sa panulukan ng A. Mabini St. at C3 Road ng naturang lungsod.
Sa salaysay ng biktima na hindi nagpabanggit ng pagkakakilanlan, kagagaling lamang niya sa drug store at habang naglalakad ay biglang sumulpot sa kanyang likuran ang lalaki na armado ng baril at bigla itong nagdeklara ng holdap.
Dahil sa takot ng biktima, hindi na ito nag-atubili at ibinigay nito ang kanyang cellphone, P1,200 cash at wallet na naglalaman ng mga ID. Matapos nito, tumakas ang suspek habang humingi naman ng tulong sa pulisya ang biktima.
Alas-11:45 ng gabi nang magkasa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan City Police sa pamumuno nina Police Major Merben Bryan Lago at Police Captain Jervies Soriano sa kahabaan ng C3 Road, Bgy. 21 hanggang sa mamataan ang lalaki na tumugma sa description ng suspek.
Nang makita ng suspek ang mga pulis, agad umano itong nagpaputok na nauwi sa engkuwentro at agarang pagkamatay ng suspek.
Nabawi naman ang cellphone at pera na tinangay nito mula sa biktima.





Comments