Bahay ng dating Pinay OFW ni-raid | IBA’T IBANG URI NG MATATAAS NA ARMAS NAKUMPISKA
- Jeff Tumbado
- May 5, 2019
- 1 min read

IBA’T IBANG uri ng matataas na kalibre ng armas ang nakumpiska ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group makaraang salakayin ang bahay ng dating Pinay overseas Filipino worker sa Maigo, Lanao del Norte.
Kasabay ng operasyon ang pag-aresto sa suspek na si Mary Ann Canoy, 36, na naabutan sa mismong bahay nito sa Bgy. Labuay, gabi ng Biyernes.
Bitbit ang search warrant, katuwang ng CIDG ang ilang mga tauhan mula sa Misamis Oriental Police at Iligan City Police sa paghalughog sa bahay ni Canoy kung saan nakuha ang mga armas kabilang ang isang shotgun, dalawang Colt M16 A1 rifles, isang Elisco M16 A1, dalawang M1 garand, anim na ammunition bandoliers, isang Llama caliber.45 pistol at tatlong kahon na naglalaman ng iba’t ibang amunisyon.
Lumalabas na nakuha ng searching team ang mga armas at amunisyon sa ilalim ng papag ni Canoy.
Bago isinagawa ang operasyon laban kay Canoy, nakatatanggap umano ng mga impormasyon ang CIDG na may malaking bulto ng armas ang itinatago sa bahay nito at nakatakdang gamitin sa eleksiyon.
Gayunman, ipinaliwanag ni Canoy na siya ay ‘caretaker’ lamang umano ng bahay at hindi siya ang may-ari.
Nahaharap sa kaso at paglabag ni Canoy sa ilalim ng Republic Act 10591 o ang ‘comprehensive firearms and ammunition regulation act’.





Comments