PAGSABAK SA 2020 TOKYO NG MGA ATLETA, MAY AYUDA NA
- A. Servinio
- May 4, 2019
- 2 min read

MAY aayuda na ang mga atletang Fillipino sa kanilang pagsabak patungong 2020 Tokyo Olympics sa katauhan ng isang nagmamay-ari ng pinakamalaking restaurant sa bansa. Pormal na inilunsad ang pag-ayuda kay Philippine Olympic Committee (POC) President Victorico Vargas ang simbolikong tseke para sa P10. 5-M na galing kay sa Presidente at CEO ng restaurant na si Robert Trota sa isang payak na pagtitipon sa Taguig City noong Huwebes.
Ang tumataginting na P3-M ang naghihintay para sa bawat Pinoy na makakakuha ng makasaysayang unang gold medal. Ang programang ito ng Max’s Group Inc. ay hindi lang nakatuon ang pansin sa pagsasanay at paglahok ng atleta mismo kundi pati na rin sa pamilya ng atleta at tagahanga. “Ang pamilya ang pangunahing sumusuporta sa atleta at malaking bagay na alam ng atleta na ang kanyang pamilya ay nasa mabuting kalagayan habang wala siya at naglalaro para sa bayan,” paliwanag ni Trota. “Para sa mga tagahanga, mamimigay kami ng pagkakataon sa tatlong pares na pumunta at masaksihan ng libre ang mga laro ng Team Pilipinas sa Tokyo Olympics.”
Malalaman sa mga susunod na araw ang patakaran kung paano lumahok at manalo ng tiket patungong Japan. Maglalabas din ang lahat ng nabanggit na restaurant ng mga promo at bagong pagkain na ang tema ay tungkol sa Olympics at ito ay gagamitin para makalikom ng dagdag pondo para sa mga atleta.
Ikinagalak ito ng POC dahil bumabalik muli ang suporta ng pribadong sektor sa palakasan. Ang parating na 2019 Southeast Asian Games sa Pilipinas ang isa sa mga pinakamalaking pagsubok para sa mga atletang nagnanais makasama sa Olympics. Makasisiguro na sasabak sila sa laban na hindi lang busog sa masarap at masustansiyang pagkain kundi pati na rin sa lahat ng aspeto – pisikal, emosyonal, sikolohikal at mental – upang maipakita sa buong mundo ang lakas at husay ng atletang Filipino.




Comments