Estudyante timbog sa droga

KALABOSO ang isang estudyante matapos makuhanan ng iligal na droga makaraang maghamon ng away sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Community Precinct 1 Commander P/Maj. Joebie Astucia ang naarestong suspek na si Isabelo John Loren II, 18, ng Bagong Barrio.
Ayon kay Major Astucia, alas-3:30 ng madalingaraw, nagpapatrulya ang kanyang mga tauhan na sina PCpl. Raymund Dio at Pat. Joclark Cea sa kahabaan ng Kapayapaan St., Bagong Barrio nang isang concerned citizen ang lumapit sa kanila at ini-report ang isang lalaki na nagwawala sa naturang lugar.
Rumesponde ang mga pulis at naabutan ng mga ito ang suspek na nagsisigaw ng “lumabas ang matapang, lumabas ang siga” sa naturang lugar na naging dahilan upang arestuhin ito.
Dinala ang suspek sa barangay hall ng Bgy. 150 at narekober sa kanya ang sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.





Comments