PHL TANKERS, HUMAKOT NG 17 GOLD SA ARAFURA

NASUNGKIT ni Ivo Nikolai Enot ang kanyang ikatlong gold nang maging impresibo ang kampanya ng Philippine swimming team sa 2019 Arafura Games noong Martes ng gabi sa Parap Swimming Pool sa Darwin, Australia.
Napagwagian ng 13-anyos na si Enot ng Davao City ang men’s 14 year old 50-meter backstroke sa natapos na oras na 29.80 seconds, dumagdag sa kanyang 100-meter at 200-meter backstroke gold medals para sa Pilipinas na suportado ng Philippine Sports Commission at Standard Insurance.
Nanguna naman si Samuel Alcos, 21 sa men’s 17 over 100-meter breastroke na naorasan ng 1 minuto, 5.63 seconds para sa ikalawang gold sa kompetisyon kasunod ng kanyang pagwawagi sa 50-meter breaststroke. Kasunod ng dalawang gold medals, nagtapos ang Philippine Swimming Team ng may pinakamaraming bilang ng gold medals sa contingent na may 17 golds. Nakadagdag din ang squad ng 27 silvers at 17 bronzes.
Sumatutal ang Pilipinas ay nakahakot ng 30-47-28 gold-silver-bronze matapos ang kompetisyon noong Martes. Samantala, sinimulan ng Pilipinas ang badminton preliminaries sa bisa ng 8-0 sweep ng Guangzhou para makaunang panalo ng tie sa team event na idinaos sa Darwin Convention Centre.
Tinalo ni Karylle Kay Molina si Lan Xu, 21-6, 21-9, sa women’s singles at tumambal kay Estarco Bacalso sa mixed doubles upang magwagi kontra kina Yin Du at Chongwei Lu, 21-3, 21-3. Naunahan din ni Bacalso si Runjun Yu, 21-3, 21-4; habang si Arthur Samuel Salvado ay ginapi si Peiyu Wu, 21-4, 21-4, sa men’s singles.





Comments