Pedicab driver at barker na tulak, huli

LIMA katao kabilang ang isang barker at pedicab driver na sideline umano ang pagtutulak ng iligal na droga ang arestado sa buy-bust operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Caloocan Deputy Police Chief for Administration P/Lt. Col. Ferdie del Rosario, ala-1:00 ng madaling-araw nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PCapt. Danilo Esguerra, Jr., kasama si Bgy. 8 Chairman Honesto Gaton ang buy-bust operation kontra kina Gerardo Angeles, 47, barker, at Reynaldo Tolentino, 39, pedicab driver sa Gen. San Miguel, Sangandaan, Bgy. 8.
Nagawang makaiskor ni PCpl. June Flores na nagpanggap na buyer ng sachet ng shabu mula sa mga suspek kapalit ng P200 marked money at nang magkaabutan, agad dinamba ang dalawa ng mga operatiba.
Timbog din sina Merissa Tolentino, 31; Ronnie Celeste, 19, at Julius Bernardino, 36, matapos maaktuhang nakikipagtransaksiyon ng droga kina Gerardo at Reynaldo.
Narekober ang apat na sachets ng hinihinalang shabu at buy-bust money habang nakumpiska naman sa tatlo ang isang sachet ng hinihinalang shabu.





Comments