Pagdagsa ng mga dayuhang manggagawa, dapat tutukan


KASABAY ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, kahapon, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na kanilang hihigpitan ang paglalabas ng work permit sa mga dayuhan sa bansa.
Ito ay matapos pirmahan ng BI kasama ang Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang joint guidelines ng paglalabas ng work and employment permit sa mga dayuhan, kahapon, Mayo 1.
Binago ng mga awtoridad ang ilang polisiya tungkol sa pagdami ng mga nagtatrabahong dayuhan sa Pilipinas.
Paliwanag ng ahensiya, ang special working permit ay pumapayag na magtrabaho ang mga dayuhang may ‘tourist status’ nang hindi lalagpas sa anim na buwan.
Gayunman, ang hiwalay na working visa na may kontrata ay tatagal ng isa hanggang tatlong taon.
Ang work permit ay nagbibigay ng pahintulot sa mga dayuhan na palawigin ang business activities sa nakatakdang panahon.
Maliban sa pagbabago ng mga polisiya sa work permit, sinabi rin ng ahensiya na kailangan ng mga dayuhan ng katibayan na sila ay nagbayad ng tax sa pagkuha ng visa at work permit.
Hindi natin maitatangging dumarami na ang mga dayuhang nagtatrabaho sa bansa kaya tama lamang na higpitan ang paglalabas ng work permit sa mga dayuhan.
Dapat ding maging prayoridad na mabigyan ng trabaho ang kapwa natin Pinoy sa sarili nating bansa.





Comments