MGA PETMALU NA PINOY CUE ARTISTS SASABAK SA U.S. BOGIES 10-BALL
- Eddie M. Paez Jr.
- May 2, 2019
- 1 min read

PAGKATAPOS maging bahagi ng center stage sa inaugural World Pool-Billiard Association (WPA) Players Championship at sa 43rd US 9-Ball Open na parehong ginanap sa Las Vegas, Nevada kamakailan, sisiyapol naman ang mga premyadong manunumbok ng Pilipinas sa 2019 Bogies Billiards Classic 10-Ball sa palaruan ng Bogies sa Houston, Texas.
Pangungunahan nina Dennis “Robocop” Orcullo, Zoren James “Dodong Diamond” Aranas, Jeffrey “The Bull” de Luna, Warren “The Warrior” Kiamco, Roberto “Superman” Gomez at Raymond Faraon ang pag-atake ng mga Pinoy sa multi-division na kaganapan na magsisilbi ring magandang ensayo nila para sa 2019 World 10-Ball Championship.
Matatandaang sa WPA Championship, sumegunda at tumersera sina WPA no. 3 Carlo “Black Tiger” Biado at two-time All Japan king Johann “Bubwit” Chua ayon sa pagkakasunod-sunod samantalang pumangatlo sa US Open si de Luna, kilala rin sa bansag na “Jeff Bata” dahil sa halos parehong estilo nila ng alamat na si Efren “Bata” Reyes, bagamat sumali sa dala wang kompetisyon ang mga pinakamalulupit na bilyarista mula sa iba’t-ibang parte ng mundo.
Pero sa sagupaan sa Texas, ilang de-kalibreng cue artists ang nakahambalang sa kanila.
Ang talaan ay kinabibilangan nina WPA no. 2 Alexander Kazakis ng Greece, Canadian John Morra, Omar Al-Shaheen ng Kuwait, Taiwanese Chang Jung-lin, Mika “Iceman” Immonen ng Finland at ang mga Amerikanong sina Johnny Archer, Josh Roberts, Max Eberle at Justin Bergman.





Comments