Engineer nahulog sa barko, dedo

NAAAGNAS na nang matagpuan ang isang engineer na unang nahulog habang naglalayag sa sinasakyan nitong barko, may dalawang araw na ang nakararaan sa karagatang sakop ng Mindoro.
Kinilala ang nasawi na si 2nd Engineer Ricky Paciente, 50, ng San Enrique, Iloilo.
Si Paciente ay nagtatrabaho sa Starlite Ferries Incorporated, ang nagmamay-ari sa barkong pinagkahulugan nito.
Ayon kay Batangas Provincial Police Office Director Col. Ricardo Acio, alas-11:15 ng umaga ng Martes nang matagpuan ng Philippine Coast Guard-Calatagan-Batangas substation ang labi ni Paciente sa bahagi ng Calavite passage sakop ng territorial water ng Bgy. Poblacion 4, Calatagan.
Una nang iniulat na nahulog si Paciente mula sa barko noong Lunes, bandang alas-2:00 ng hapon sa karagatang sakop ng Mindoro ilang minuto lamang nang umalis ito sa pantalan ng Calapan Port patungong Batangas City.
Hindi pa matukoy ang dahilan kung bakit nahulog ang biktima at nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.





Comments