Sanhi ng panlalabo ng mga mata
- BULGAR
- May 1, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ang sabi ng mama ko ay wala naman daw sa lahi namin ang malabo ang mga mata dahil nanlabo lamang daw ang kanyang mga mata pagkapanganak niya sa aming magkakapatid. Sa aming apat na magkakapatid, ‘yung bunso lang namin ang malabo ang mga mata. Siya ay 15 years old lamang ngunit, mataas na ang grado ng kanyang eyeglasses. Maaari bang pakitalakay ninyo ang mga posibleng dahilan ng panlalabo ng mga mata. — Rupert
Sagot Ang panlalabo ng mga mata ay ang pagkawala ng linaw ng paningin na nagiging wala na sa pokus ang mga bagay na nakikita ng ating mga mata.
Ang pagiging nearsighted, farsighted at astigmatism ay pangunahing mga sanhi ng paglabo ng mga mata. Ito ay kadalasang nalulunasan sa pamamagitan ng pagtama o pag-adjust ng grado ng lente ng mga mata sa pamamagitan ng pagsusuot ng salamin. Subalit, tandaan, ang panlalabo ng mga mata ay maaaring sintomas din ng mas seryosong problema tulad ng nakabubulag na karamdaman o kaya ay sakit sa utak.
Mga sanhi ng malabong mga mata:
Myopia — Ang panlalabo ng isang mata o parehong mata ay maaaring sintomas ng myopia o nearsightedness.
Hyperopia— Ang hyperopia o farsightedness ay sakit sa mata kung saan malinaw mong makikita ang mga bagay na nasa malayo ngunit, hindi maka-focus ang mga mata sa mas malalapit na bagay.
Astigmatism— Ang sakit na ito ay kadalasang sanhi ng iregular na hugis ng cornea.
Presbyopia —Kung ikaw ay 40 taong gulang at kasalukuyang nakararanas ng panlalabo ng mga mata kapag nagbabasa ng diyaryo o maliliit na letra, malamang na ikaw ay may presbyopia, isang karamdaman sa paningin na may kaugnayan sa pagtanda.
Pagkatuyo ng mga mata— Ang dry eye syndrome ay maaaring makaapekto sa iba’t ibang paraan, kasama na ang panlalabo at unti-unting pagkawala ng paningin.
Katarata—Kung ito ay hindi maaalis, ang katarata ay maaaring makatakip sa paningin hanggang sa ikaw ay mabulag.
Glaucoma— Ang panlalabo ng paningin o tunnel vision ay maaaring sintomas ng glaucoma. Kasama sa mga sintomas nito ay ang dahan-dahan o biglaang pagkipot ng paningin.
Diabetic retinopathy— Kung ikaw ay may diabetes, ang hindi maipaliwanag na paglabo ng iyong paningin ay malamang na dahil sa tinatawag na diabetic retinophaty, kumplikasyon ng diabetes na sumisira sa retina ng mga mata.
Highblood at stroke — Ang panlalabo at pagdodoble ng paningin ay maaaring sintomas ng stroke o pagdurugo sa utak. Ito ay maaaring sintomas din ng sakit na multiple sclerosis.
May mga sakit sa mga mata na maaaring maging sanhi ng permanenteng pagkabulag kaya mahalagang kumonsulta agad sa doktor para sa check-up at tamang gamutan.
Comments