Mga kandidato panic mode na, he-he-he!

ARAW ng mga Manggagawa ngayon at dumaraing na naman ang mga manggagawa.
Kung gayun, ngayon ay “araw ng pagngawa”!
◘◘◘
PANIC na ang mga kandidato.
Halos mahigit isang linggo na lang ang kampanyahan.
‘Yung mga “natatalo”, nag-iinit na ang ulo!
◘◘◘
BINUGBOG at tinangkang kidnapin ng mister ng isang kandidato sa pagka-meyor sa Sto. Tomas, Pampanga ang supporter ng kalaban nila sa mayoralty post.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Reynaldo Galang, supporter ng incumbent mayor na si John Sambo!
◘◘◘
KINASUHAN ng attempted kidnapping at attempted homicide ang suspek na isang dating mayor ng Sto. Tomas.
Kinasuhan din ang kanyang bodyguard na si alyas Jojit sa pambugbog na naganap sa bahay ng biktima!
◘◘◘
SINASABING may apat pang sangkot sa pambubugbog kung saan maaaring magpagulo sa maayos na halalan.
Hindi malinaw kung paano aayusin ng Comelec at pulisya ang ganitong klase ng gulo!
◘◘◘
SA panahon ng kampanya, nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Comelec ang peace and order sa lahat ng komunidad.
Dapat maiwasan ang anumang gulo at sana ay matapos ang eleksiyon nang walang dadanak na dugo!
◘◘◘
HINDI malinaw kung inilagay na sa Comelec control ang Sto. Tomas, Pampanga.
Kailangan ang mabilis na aksiyon ng mga awtoridad upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon!
◘◘◘
MAHALAGA ang eleksiyon kasi ito ang kaluluwa ng demokrasya.
Kapag walang halalan, mananatili sa posisyon ang mga haragan at diktador sa lipunan!
◘◘◘
PERO, ang halalan ay dapat malinis at walang isyu ng pangha-harass o pananakot sa mga botante.
Ang problema, ang halalan sa Pilipinas ay nababahiran ng mga kaduda-dudang iskema na hindi kayang resolbahin mismo ng Comelec!





Comments