Hirit kay P-Duterte | TRABAHO SA ‘PH-CHINA PROJECTS’, IBIGAY SA PINOY


NANAWAGAN si dating Senate President Juan Ponce Enrile sa administrasyon ni Pangulong Duterte na siguraduhing mabibigyan ng trabaho ang mga Pilipino sa ilalim ng programang “Build Build Build” na inaasahang madaragdagan ng bagong proyekto mula sa Belt and Road Initiative (BRI) ng China.
Ang mga bagong investment deal na kamakailan lamang ay pinasok ng mga negosyanteng Chinese at Filipino sa Belt and Road Forum (BRF) sa Beijing ay magandang hakbang na makatutulong sa mga manggagawang Pilipino.
Sa pamamagitan ng pagpasok ng bagong kapital mula sa ibang bansa, marami pang trabahong puwedeng ibigay sa mga Pinoy.
Matatandaang, 19 kontrata na nagkakahalagang $12 billion ang nilagdaan ng mga kumpanyang Filipino at Chinese sa mga sektor ng enerhiya, imprastruktura, agrikultura at internet sa nagdaang BRF.
May nakuha ring pondo na P7.7 billion si Pangulong Duterte mula kay Chinese President Xi Jinping.
Ang BRI ng China ay isang malawakang proyektong naglalayong magkonekta sa Asya, Africa at Europa gamit ang mga proyektong pang-imprastruktura at transportasyon na ilalatag sa lupa at karagatan.
Tinatayang $90 billion na ang ginastos ng China para sa nasabing proyekto. (BRT)





header.all-comments