DILIMAN, LUMAKAS ANG TSANSA SA PLAYOFF BERTH NG D-LEAGUE


PINALAKAS ng Diliman College-Gerry’s Grill ang kanilang tsansang makasungkit ng playoff berth matapos ang 108-95 na paggapi nila sa sa Wang’s Basketball kahapon sa 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao.
Umiskor ang Beninese big man na si Kevin Gandjeto ng team-best 33 puntos, bukod pa sa 17 rebounds, 3 steals at 2 blocks upang pamunuan ang Blue Dragons sa pagtaas sa patas na markang 3-3 panalo-talo.
Dahil sa panalo, naniniwala si Diliman-Gerry’s coach Rensy Bajar na kaya pa nilang mapasama sa top four ng Foundation Group.
“The way we’re playing, we’re starting to pick up. I think we can show some more and play good basketball,” wika ni Bajar.
Mula sa 40-21 na kalamangan, pinalawig pa ito ng Blue Dragons sa 62-39, sa pamumuno nina Gandjeto at Joseph Brutas, ngunit natapyas ito ng Couriers sa 62-70, may 2:18 pang oras na natitira sa third quarter.
Gayunman, pagdating ng fourth canto, nakontrol na nila ang laro sa pangunguna ni Gandjeto.
Namuno si Axel Inigo na umiskor ng 33 puntos para sa Couriers na bumagsak sa 3-4 na rekord matapos ang 3 game losing skid. (VA)





Comments