2 gun-for-hire todas sa pulis
- Maeng Santos
- May 1, 2019
- 1 min read

DEDBOL ang dalawang hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group na sinasabing pumatay sa isang ginang matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City, kahapon ng madaling- araw.
Kinilala ni Caloocan Police Community Precinct 3 Commander P/Maj. Raymond Nicolas ang mga nasawi na sina alyas Macky at JR Tigok.
Ani Major Nicolas, ang mga suspek ang itinuturong nakapatay sa negosyante ng gulay noong Linggo ng gabi sa Bgy. 176, Bagong Silang sa hindi pa malamang motibo.
Ayon sa ulat, kinuha ng biktimang si Miriam Pimentel, 46, ang kanyang mga paninda sa pinangyarihan ng insidente nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo, alas-9:45 ng gabi.
Bumaba ang backrider na armado ng baril at walang sabi-sabing binaril sa ulo ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Sa follow-up operation ng mga tauhan ng PCP-3 sa pangunguna ni Maj. Nicolas, nagawang matukoy ang kinaroroonan ng mga suspek.
Gayunman, nang mapansin ng mga suspek ang presensiya ng mga pulis, tumakas ang mga ito patungong Munting Nayon covered court na naging dahilan upang habulin ng pulisya na nauwi sa engkuwentro at pagkamatay ng dalawa.





Comments