Nagpapagamot sa albularyo
- BULGAR

- Apr 30, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Melyn ng Melyn_Perlada@facebook. com
Dear Professor,
Nakapila ako sa manggagamot, mahaba ang pila at kasama ko ang dalawa kong kapatid na babae. Sa panaginip ko, lalaki ang naglilista ng mga pangalan, tapos, ‘yung babae ang nanggagamot.
Nu’ng ako na ang gagamutin ay pinaghugas ako ng mga kamay gamit ang palangganang may malamig na tubig dahil puno ng yelo, ramdam ko ang lamig, tapos, pinainom ako ng isang kutsarang vitamin.
Ang sabi ng babae na nagsubo sa akin ng gamot ay tumingala raw ako at magdasal nang taimtim.
Habang nagdarasal ako ay lumalabas sa mata, ilong at tainga ko ang gamot na ipinainom niya sa akin. Natatandaan ko ang aking ipinagdasal, ang pagalingin ako sa aking karamdaman.
Pagkatapos, sumunod na sa akin ang kapatid ko dahil siya naman ang magpapagamot.
Ano ang ibig sabihin nito?
Maraming salamat!
Naghihintay,
Melyn
Sa iyo Melyn,
Ang sagot sa panaginip mo ay maaaring sabihin mong walang kinalaman sa iyong buhay.
Ayon sa panaginip, ang problema mo ngayon ay problema sa buhay-mag-asawa dahil ang asawa mo ay hindi gaanong nakatutugon sa responsibilidad niya sa iyo.
Ang ganitong problema ay hindi nagagamot ng agham ng medisina at mas lalong hindi nagagamot ng albularyo.
Pero, ang solusyon ay ang kapwa pamamahinga ng mag-asawa kung saan lilimitahan ang mga aktibidad na nakapapagod at ang rekomendasyon ay maiksing pamamasyal, paglilibang at pagsasaya.
Ang panonood ng TV shows at movies ay inirerekomenda rin. Ang sabay na pagkain, pero habang kumakain ay hindi dapat pag-usapan ang trabaho o mga gawain at ang tutukan ay ang masayang kuwentuhan.
Maganda rin na magtulungan sa mga gawaing-bahay tulad ng paglilinis, pagluluto, paglalaba at iba pang mga gawain na ang mag-asawa ay kumikilos nang magkasama.
Muli, maaaring hindi mo paniwalaan, pero ito ang totoong kahulugan ng iyong panaginip. Ang isa pang dapat mong malaman ay ikaw ngayon ay malapit ng talunin ng iyong kalungkutan.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments