CABALO, NAKA-3 GOLD SA ARAFURA ATHLETICS

NAKOPO ni John Lloyd Cabalo ang kanyang pangatlong gintong medalya kahapon sa athletics ng 2019 Arafura Games sa Darwin, Australia.
Nasikwat ni Cabalo ang pangatlong ginto pagkaraang manalo sa men’s 4x400m kasama sina Joviane Calixto, Romel Bautista, at Reymark Godoy sa oras na 3:29.11. Tinalo nila ang kanilang kakampi na sina Al-Nhaquiev Sappari, Nicko Caparoso, Jason Buenacosa at Norman Carl Luardo na tumapos ng may oras na 3:32.12.
Noong Linggo ng gabi ay nauna nang napanalunan ni Lora Micah Amogius ang pangatlong korona sa swimming matapos magwagi sa 13-14 women’s 400m medley relay kasama sina Erika Lois Suelan, Zoemarie Hilario at Krisha Joanna Apin sa oras na 4:42.42.
Nagwagi sina Amogius matapos ang siyam na segundong kalamangan laban sa kanilang katunggali mula sa Northern Territory. Nakasungkit din ng ginto sina Romel Bautista sa men’s 400m hurdles at sa women’s 4x400m relay na kinabibilangan ni May Therese Gula, Abegail Manzano, Jessel Lumapas at Ara Delotavo.





Comments