Pati pagpapatayo ng ospital nadadamay sa politika, tsk-tsk-tsk!

NATUWA ang mamamayan ng Malabon City nang bisitahin ni P-Digong ang pagtatayuan ng bagong San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital sa Luis Street sa Bgy. Panghulo.
Mula sa 10-bed capacity, ang munting ospital ay magiging ganap nang “general hospital”.
Klap-klap-klap!
◘◘◘
ANG problema, kinokontra mismo ni Mayor “Lenlen” Oreta ang pagtatayo ng naturang ospital sa naturang lugar, gayung may sapat itong espasyo at malawak.
Pormal na kinontra ng city hall ang naturang proyekto dahil mula ito sa inisyatiba ng kongresistang si Ricky Sandoval na may-akda ng panukalang-batas!
◘◘◘
Sa kasalukuyan, ang SLRWH sa Bgy. Santulan ang itinuturing na pinakamaliit na pampublikong ospital sa Metro Manila.
Mayroon lamang itong sampung bed capacity, pero ito ay nagbibigay-serbisyo sa kababaihan at bata sa Malabon City!
◘◘◘
SA liham na ipinadala sa Malacañang, sinabi ng city hall na maliit ang espasyo sa paglilipat ng ospital, pero kinontra ito ng mga residente.
Nagiging biktima ngayon ang mga benepisaryo ng naturang ospital dahil sa away-politika sa Malabon City.
Kung paano ito reresolbahin ng Malacañang ay malaking katanungan!
◘◘◘
HINDI dapat magambala ang pagpapatayo ng naturang ospital dahil direktang matutulungan nito ang mga nagdarahop na pamilya.
Hindi dapat pang makipagsiksikan ang mga taga-Malabon sa iba pang public hospital!
◘◘◘
HINIHILING ng mamamayan kay P-Digong na bigyan ng prayoridad ang mabilis na implementasyon sa naturang ospital bago matapos ang kanyang termino.
Sa sobrang init ng panahon, marami ang nagkakasakit kaya magandang programa ito na hindi dapat magambala!





Comments