Motorsiklo nahulog sa bangin, 2 dedbol

Dalawa ang patay habang isa ang kritikal matapos silang mahulog sa bangin habang sakay ng motorsiklo sa Sta. Maria, Romblon, madaling-araw ng Linggo.
Naisugod pa sa Don Modesto Formilleza, Sr. Memorial Hospital ang mga biktima na sina Lloyd Ramirez Romero, 21, Joseph Mustasa, 18, at Angelo Mineque, 24, kapwa residente ng Sitio Cabugao, Bgy. Bonga.
Gayunman, kalaunan ay binawian din ng buhay sina Romero at Mustasa sanhi ng tinamong pinsala sa kanilang katawan.
Batay sa report ng Sta. Maria Municipal Police Station, binabagtas umano ng mga biktima ang national highway sakay sa single motorbike na minamaneho ni Mineque.
Galing ng Bgy. Calagonsao, Alcantara ang mga biktima at pabalik na sila nang mangyari ang trahedya.
Nawalan umano ng kontrol si Minique sa motorsiklo na naging dahilan ng pagkahulog nila sa malalim na bangin. Mula sa nabanggit na ospital, inilipat ng Romblon Provincial Hospital si Minique.
Lumalabas sa imbestigasyon na naki-fiesta umano ang mga biktima sa Bgy. Calagonsao at pawang nakainom ng alak ang mga ito nang maganap ang insidente.





Comments