top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

ALAMAT NG GIN KINGS AT VALIENTES, MAY EXHIBITION GAME SA MINDANAO

A. Servinio
Apr 29, 2019
2 min read

SASARIWAIN ng mga tagahanga ang mga maga­gandang alaala ng nakaraan sa pagbisita ng mga alamat ng Barangay Ginebra sa Zamboanga City ngayong Mayo 4 sa Zamboanga Coliseum. Haharapin ng mga dating Gin Kings ang Zam­boanga Valientes, ang ipinag­mamalaki at minamahal na kinatawan ng lungsod sa mga pambansang torneo tulad ng Chooks-to-Go Pilipinas 3X3.

Tiyak na aabangan ng lahat ang mga dating PBA MVP na sina Jayjay Hel­terbrand, Willie Miller, Allan Caidic at mga kapwa bituin na sina Vince Hizon, Pido Jarencio, Bong Alvarez, Marlou Aquino at E.J. Feihl. Pangungunahan ang Valientes ng kanilang kapitan at dati ring PBA player na si Jona­than Parreno at Das Esa, ang tinaguriang bayani ng mga Tausug.

“Nag-abot kami ni Jayjay, Willie at Marlou pero ‘yung iba sa TV ko lang napanood kaya excited ako na makalaro sila at tumu­long magbigay saya sa mga taga-Zamboanga,” wika ni Parreno na saglit naglaro para sa KIA.

Isang matinik na shoo­ter, napansin ito ni Coach Rajko Toroman at inim­bitahan siya para mapa­bilang sa pinakaunang edisyon ng Gilas Pilipinas.

“Malaking pagkakata­on ito para sa mga Zambo­angueño na makita ng personal ang kanilang mga idolo at sana maengganyo din sila na pumasok sa sports,” wika ni Valientes manager Neil Makasiar. “Gusto din naming ipakita sa lahat ang ganda ng aming lungsod at kung gaano kainit ang mga tao para sa basketball.”

Naimbitahan din si David Carlos upang maki­pagtagisan ng husay sa pag-dunk kontra sa mga kam­peon ng dunk ng Zamboanga. Kagagaling lang ni Carlos sa dunk contest ng FIBA 3X3 World Tour Masters sa Qatar kung saan nauwi niya ang pangalawang puwesto.

Ang mga tiket ay mabi­bili sa halagang P200.00 sa Sunnies Studio sa KCC Mall de Zamboanga at sa ZC Gol­den Boys Basketball Gym. Maari ring bumili sa takilya sa araw ng laro kung may matitira pa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page