3 empleyado ng DOTr, positibo sa droga

NAGPOSITIBO sa iligal na droga ang tatlong empleyado ng Department of Transportation (DOTr) kasunod ng isinagawang mandatory drug test sa mga kawani ng kagawaran.
Aabot sa 806 empleyado ng DOTr ang isinalang sa pagsusuri matapos ang isang araw na orientation seminar tungkol sa drug-free workplace sa ahensiya at tatlo sa kanila ang natukoy na positibo.
Gayunman, nilinaw ng DOTr na isasailalim pa sa confirmatory drug test ang tatlong empleyado.
Hindi muna pinangalanan ng DOTr ang mga tauhan nitong nadiriin sa illegal drug use.
Kasabay nito, tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade na hindi kukunsintehin ang mga empleyado at opisyal nitong madadawit sa iligal na droga at anumang uri ng katiwalian.





Comments