Kasabay ng brownouts | DAGDAG-SINGIL SA KURYENTE


MATAPOS ang serye ng mga brownout sa ilang bahagi ng Luzon, kailangang pag-aralang muli ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang busisiin ang kakulangan sa suplay ng kuryente at nagbabadyang pagtaas sa presyo nito.
Ayon kay dating Senate President Juan Ponce Enrile, walang hustisya sa nagbabadyang pagtaas sa presyo ng kuryente lalo na’t paulit-ulit naman ang brownout.
Matatandaang, noong Abril 12 at 15 nang makaranas ng mga brownout matapos ianunsiyo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na mababa na ang suplay ng kuryente sa ilang rehiyon.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang dahilan ng kakulangan sa suplay ay ang serye ng mga hindi inaasahang pagsara ng ilang planta habang may iba ring kinukumpuni nitong buwan.
Kaugnay nito, dapat umanong pag-aralang muli ng pamahalaan ang kontrata nito sa mga kumpanya ng kuryente.
Nang ipinasa ang EPIRA noong 2001, si Enrile ang tanging senador na kumontra sa nasabing batas. Sa mga sumunod na taon, nagkatotoo ang hinala ng mambabatas na hindi matutupad ang pangako ng EPIRA na ibaba ang presyo ng kuryente. (BRT)





Comments