ROCKETS, UMUSAD SA 2ND ROUND PLAYOFFS; ISA PA SA NUGGETS


UMISKOR si James Harden ng game-high 26 points sa kabila nang pahirapang laro at sumandal ang Houston Rockets sa paglakas ng depensa sa huling yugto ng laban tungo sa 100-93 victory kontra Utah Jazz sa Game 5 ng Western Conference first-round series sa NBA game playoffs kahapon sa Toyota Center.
Nakasampa ang Houston sa 4-1 series at hindi man lang pinaiskor ang Jazz bagamat nagpakawala si Ricky Rubio ng 12-footer range sa nalalabing 1:32 minuto. Idinikit ni Rubio ang iskor ng Utah sa 94-93 sa bisa ng kanyang pull-up jumper, pero ang pagtugon ng Rockets mula sa nakaw ni Eric Gordon at pag-block ni Harden ang bumalanse sa laro.
Si Harden ay may 10 of 26 shooting sa field at dumagdag ng six rebounds, 6 assists, 4 blocks at 3 steals. Lumakas ang depensa ni Rockets forward P.J. Tucker sa bisa ng 9 defensive boards at 4 blocks, maging ang dalawang free throws ay pinakawalan sa 54.8 segundong nalalabi matapos magmintis ng dalawa sa unang ball possession. Tumapos si Tucker na may 8 puntos. Samantala sa iba pang laban, isang panalo na lamang ang kailangan ng Denver Nuggets nang magwagi sa pivotal Game 5 kontra San Antonio Spurs para makatuntong sa semifinals ng Western Conference. Hindi rin inaasahan ng Nuggets na matatameme ang 7th seeded Spurs na muli nilang makakaharap sa Game 6 ng first-round series.
Unang natalo sa series opener ang second-seeded Nuggets sa sariling balwarte at muntik ding matalo sa ikalawa at pagbalik noong Martes sa Texas ay dinomina nila ang laro sa 108-90. Ito ang una nilang postseason series victory mula nang nagawa noong 2009 at nakapasok pa sa Western Conference finals.(MC)





Comments