Forced eviction, illegal reclamation at ‘di pagbibigay ng benefits sa senior, aksiyunan — PACC

PINAKIKILOS na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga reklamo ng forced eviction, illegal reclamation, hindi pagbibigay ng benepisyo sa mga senior citizen at umano’y pagpatay sa isang bayan sa Pangasinan na nabunyag sa regional forum sa Lingayen.
Ayon kay PACC Chairman Sec. Dante Jimenez, ang lahat ng mga nasabing reklamo ay mula sa munisipalidad ng Bolinao.
“Agarang aksiyon ang hiningi namin sa mga regional directors ng Philippine National Police, Department of Social Welfare and Development, Department of Environment and Natural Resources at iba pang concerned agencies na dumalo sa regional forum para maimbestigahan ang mga reklamo ng mga taga-Bolinao,” ani Jimenez.
Kabilang sa mga reklamo ay mula sa pamilya ng 139 mangingisda na sapilitan umanong pinaaalis sa baybayin ng Bolinao dahil sa umano’y “massive reclamation project” ng lokal na pamahalaan.
May mga indigent senior citizen din umano ang hindi nakatatanggap ng tulong-pinansiyal mula sa DSWD at wala ring benepisyo mula sa LGU.
“At ang pinakamalala ay ang mga umano’y kaso ng pagpatay kung saan 26 beses pinagtataga ang mga biktima. Na-downgrade ang kaso sa homicide kaya ang mga suspek ay hindi pa rin nakukulong,” paliwanag nito.





Comments