Pagkakabit ng CCTV sa lahat ng iskul, epektib na proteksiyon at solusyon sa iba‘t ibang isyu
- Win Gatchalian
- Apr 25, 2019
- 2 min read

Isa sa magagandang proyekto ng mga Parent-Teacher Association (PTA) ang pagpapakabit ng CCTV camera sa loob ng kanilang kinabibilangang paaralan.
Naniniwala tayo na kampante kasi ang ating mga magulang at guro kapag mayroon nito dahil nakatutulong ito sa pagpapanatili ng kaligtasan at kapayapaan ng mga batang mag-aaral.
Noon pa man, hindi maikakaila na malaki ang kontribusyon ng mga CCTV footage para makuha ang hinahangad na hustisya para sa mga biktima ng krimen at ng mga taong wala talagang kasalanan.
Tulad sa pagpuksa sa mga nangyayaring kriminalidad sa ating lipunan, ang paglalagay ng mga CCTV camera sa loob ng kampus ay isang napakahalaga at mabisang ebidensiya para matukoy agad ang totoong nangyari at sino ang dapat managot sa anumang insidente tulad ng pagnanakaw, pagkasira ng pasilidad o kagamitan lalo na ang masamang gawain tulad ng bullying, paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot, pagtatago ng aklat, bag o gamit ng kapwa estudyante.
Sa pamamagitan ng instalasyon nito, patuloy na naka-record ang kaganapan sa bawat sulok ng eskuwelahan at mamo-monitor ang mga estudyante, teaching at non-teaching personnel at mga bisita.
Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng guro, mag-aaral at magulang tuwing may estudyanteng napapahamak, nasasaktan o nadadamay sa isang isyu. Dahil dito, mapabibilis ang paghahanap ng solusyon sa insidente.
Mula pa ng ating unang taon sa Senado noong 2016, inakdaan na ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 202 o CCTV Cameras for Security and Crime Prevention Act na naglalayong gawing mandatory ang paglalagay ng mga CCTV camera sa lahat ng mga pribado at pampublikong paaralan, maging sa mga kalye, hotel, mall, restaurant, pawnshop, palengke, gasolinahan, money remittance center, fastfood centers, ospital, paliparan at marami pang iba.
Iginagalang ang confidentiality at non-disclosure ng mga CCTV footage upang maprotektahan ang bawat isa, kaya naman ipinagbabawal ang paglalabas, pagpapanood at pagbebenta ng anumang video recordings o litrato sa kahit sino.
Titiyakin na ang mga kinauukulang awtoridad lamang ang may access sa mga materyal lalo na ang litrato at videos nito at kailangan ay rehistrado ang operator ng CCTV sa Philippine National Police (PNP). Maglalagay din ng mga karatula na ipinagbibigay-alam sa publiko na ang paaralan ay monitored ng CCTV camera.
Upang matagumpay na maipatupad ang programang ito, kailangan ang pakikiisa ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at iba pang ahensiya ng ating gobyerno.
Kabilang sa dapat pagtulung-tulungan nito ay ang malinaw na mga patakaran sa rehistrasyon, inspeksiyon at pagpapatupad nito sa lahat ng mga establisimyento, pagsasanay sa mga tauhan ng lugar, pagiging pamilyar sa teknolohiyang gagamitin at ang pagtatago o pagpapanatili ng mga CCTV video recording.
Hangad natin ang kapanatagan ng kalooban hindi lamang ng mga kabataan kundi maging ang kanilang mga magulang habang kanilang ipinagkakatiwala sa paaralan ang pangangalaga, kaligtasan at seguridad ng kanilang anak.
Sa pamamagitan ng materyal na naibabahagi mula sa CCTV camera, makatutulong ito sa pagkamit ng katotohanan at impormasyon sa anumang sitwasyon sa eskuwelahan.
Sana ay maisabatas na ito sa lalong madaling panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments