PETRON-LETRAN, DINALE ANG VIRTUAL REALITY SA D-LEAGUE


NAUNGUSAN ng Petron-Letran ang St. Clare College-Virtual Reality, 91-90, kahapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao.
Mainit ang naging simula ni Alvin Pasaol sa ibinuslong na 10 first quarter points upang giyahan ang Knights sa pagtayo ng 31-11 bentahe bago muling kumamada sa final stretch kung saan isinalansan niya ang 8 sa huling 11 puntos ng koponan upang tumapos na may 28 puntos bukod pa sa 7 rebounds, at 3 assists.
May tsansa pa sana ang Saints na maagaw ang panalo matapos ang baseline jumper ni Paul Santos ngunit, tinawagan ng offensive foul ang teammate nyang si Junjie Hallare dahil sa ginawa nitong moving screen sa may natitirang 1.7 segundo sa oras.
Nag-ambag naman si Jeo Ambohot ng 11 puntos at 9 na rebounds sa nasabing panalo.
Bunga nito, inangkin ng Knights ang solong ikatlong puwesto sa Aspirants Group sa pag-angat sa markang 5-2, habang ibinaba nila sa ika-4 na puwesto ang dating pumapangalawang Saints matapos malaglag sa kartadang 4-2.
Tumapos na topscorer si Hallare para sa St. Clare sa itinala nitong 22 puntos at 7 rebounds. (VA)





Comments