Pagbibiro nang dahil sa lindol, hindi nakakatuwa!

NAKAKATAKOT ang nangyaring lindol noong Lunes dahil sa taglay nitong Magnitude 6.1 na nakapagpakaba sa mamamayan.
‘Yun nga lang, tila may mga pasaway na imbes na magdasal at magpaalala sa ilan, eh, mas ginusto pa ring magbiro na alam nating lahat na wala sa lugar.
Kaya naman hindi natin masisisi ang ilang netizens na nainis at naasar sa mga social media user na ginawang “joke” ang nangyaring trahedya rito sa bansa.
Halimbawa sa mga ito, “akala ko, you rock my world, lindol na pala”, “mabuti pa ‘yung lindol naramdaman ko, pero ikaw, hindi”, “mas matindi pa riyan ‘yung lindol na naranasan ko”.
Bagama’t, marahil, ginawa nila ito upang maibsan ang ating pangamba, hindi pa rin maganda, lalo na sa mga sobrang naapektuhan nating kababayan kung saan may mga namatayan at nagkalamat ang tinitirhan.
Dagdag pa rito, ang mga gusaling tuluyan nang nasira na nakapanghihinayang, partikular ang San Guillermo Church.
Gayunman, walang masama sa paghugot o pagbibiro, pero kung buhay ang pinag-uusapan, mas bigyang-prayoridad natin ang pag-iingat.
Samantala, ang panawagan natin sa lahat, magdasal at maging handa sa lahat ng pagkakataon dahil hindi natin alam kung kailan ulit magpaparamdam ang lindol.
Gayundin, kung alam na hindi ligtas sa kasalukuyang tinitirhan, mainam kung lilipat muna pansamantala sa mas ligtas na lugar nang sa gayun ay hindi na mapahamak pa.
Keep safe, mga ka-BULGAR!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments