Hirit ng CBCP, drug war ni P-Duterte, malaking kasinungalingan, resbak ng pangulo, abangan!
- BULGAR

- Apr 24, 2019
- 2 min read
“OUST DUTERTE MOVEMENT”, TABLADO KAY MAYOR SARA —Dahil hindi masabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kung sino o kanino nanggaling ang matrix na kanyang inilabas tungkol ”Oust Duterte Movement” ng mga miyembro umano ng media at grupo ng mga abogado ay marami ang hindi naniwala sa matrix at kabilang sa mga hindi naniniwala ay mismong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Nang tanungin ng media tungkol sa isyung ito, ang naging tugon ni Mayor Sara, “hindi ko alam, mas maganda siguro kung lalabas ‘yung source at kung sino ‘yung source na gumawa ng matrix.”
Dahil d’yan, lumalabas na tablado kay Mayor Sara ang matrix na inilabas ni Panelo, boom!
◘◘◘
IINIT NA NAMAN SA CBCP SI P-DUTERTE — Ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, malaking kasinungalingan daw ang illegal drug war ni P-Duterte dahil hindi naman daw natitigil ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa at wala raw ginagawang aksiyon ang Duterte gov’t. para hulihin ang mga drug lord, illegal drug manufacturer, drug smuggler, drug supplier at sa halip, ang mga mahihirap lang daw ang target ng administrasyon.
Dahil sa sinabing ‘yan ni Bishop David, asahan nang uusok na naman sa galit sa CBCP (Catholic Bishops’ Conference of the Philippines) si P-Duterte, period!
◘◘◘
MALAMANG, TALO NA NAMAN ANG PILIPINAS SA KASUNDUAN SA CHINA—Pupunta sa China si P-Duterte hindi para kausapin si Chinese Pres. Xi Jinping na paalisin ang mga barkong pandigma ng China na nasa karagatan ng Pilipinas kundi upang lumagda sa mga kasunduan ng Pilipinas at China.
Hay naku, sa “gulang” ng China, malamang, talo na naman ang Pilipinas sa kasunduang lalagdaan nina P-Duterte at Jinping, hu-hu-hu!
◘◘◘
LUCIO C. AT SAMMY L., BALIK-SMUGGLING SA BUREAU OF CUSTOMS—Namamayagpag na naman daw ang smuggling operations nina “Lucio C.” at “Sammy L.” sa Bureau of Customs.
Noong panahon ni ex-P-Noy, natigil ang kanilang raket na smuggling ng plastic resins at general merchandise, pero ngayon balik-raket na naman sila sa Bureau of Customs.
‘Yan ba ang sinasabi ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero na wala ng smuggling sa BOC? Pwe!





Comments