top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

NOYPI TAN, GINTO; BOY’S DOUBLES, THIRD SA 20TH ASIAN TENPIN

Eddie M. Paez Jr.
Apr 23, 2019
2 min read

NAGPATULOY ang pagpaparamdam ng Pilipinas ng lakas nito pagdating sa pagpapatumba ng bolilyo sa inter­national stage matapos maitakbo ni Merwin Tan ang gold sa boys’ singles habang pumapangatlo sa boys’ doubles ang tambalan nina Kayle Abad at Muhammad Hafeez sa pag-arangkada ng 20th Asian Youth Tenpin Bowling Champion­ship sa Megalanes, Batu Kawa, Kuching, Sarawak, Malay­sia.

Nagsumite ang 19-taong-gulang na binatilyong Pinoy ng kartadang 223, 267, 244, 199, 207 at 212 para sa kabuuang 1,352 pinfalls (average na 225.33) pagkatapos ng anim na laro upang daigin sa kampeonato si Austra­lian ace William Clark at si Park Sang-hyeok ng South Korea.

Si Clark ay nakapagpatumba ng 1,334 bolilyo (179, 204, 211, 206, 254 at 280; average = 222.33) para maiuwi ang pilak na medalya habang si Sang-hyeok ay may re­kord na 1,326 pinfalls (206, 259, 236, 164, 192 at 269; average = 221.00) na sapat na para mahablot ang huling upuan sa podium ng kompe­tisyong nilalahukan ng mga kinatawan ng Australia, Bahrain, Taiwan, Hong Kong, Korea, Macau, Singapore, Thai­land at ang punong-abalang Malaysia.

Sa ginaganap na kompetisyon sa boys’ doubles, nasa pangatlong baitang sa kasalukuyan ang Philippine Team 1 sa likod ng tumatrangkong Singapore at Malaysia sa squad 1 habang ang Philip­pine Team 2 (binubuo nina Merwin Tan at Kenzo Umali) ay eentra naman sa squad 2. Ang top 3 finishers pagkatapos ng squads 1 at 2 ang ookupa ng podium.

Matapos mabokya sa girls singles, inaasinta pa rin ng Philippine contingent ang mga medalya sa team-of-4, all-events at Masters. Bukod kay Tan, nakaangkla ang kam­panya ng bansa sa tikas nina Kayle Abad, Patrick Nuqui, Kenzo Umali, Norel Nuevo, Alyssa Ty, Grace Gella at Bea Hernandez at sa patnubay nina Alexander Lim (team ma­nager), Josephine Canare (coach), Engelberto Rivera (coach), Jerry Lee (official) at Rachelle Leon (official).

Kamakailan lang, nakapag-uwi ng dalawang tan­song medalya mula sa 2019 World Bowling Juniors Champion­ship ang Pilipinas na ginanap sa France. Sa naturang palig­sahan, pumangatlo sa girls singles’ si Gella, 18-anyos, habang tumersera rin ang 16-anyos na si Nuevo sa bakbakan sa girls masters ng palig­sahang inorganisa ng World Bowling, Maximin Bowling Plaza at Tenpin Bowling Association of France.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page