Mga kandidato, ‘wag sagarin ang katawan para umabot sa halalan


KASABAY ng patuloy na pagtaas ng temperatura, tumataas din ang bilang ng inaatake ng heat stroke at iba pang sakit.
Dahil dito, patuloy na nagpapaalala ang Department of Health (DOH) na manatiling malusog ngayong tag-init.
Manatiling hydrated at iwasang lumabas ng bahay mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon. Ito ang mga oras na matindi ang sikat ng araw.
Para maiwasan ang pagka-dehydrate, mabuting uminom ng higit sa walo o sampung baso ng tubig kada araw at iwasan ang mga inuming nakade-dehydrate tulad ng kape, softdrinks at alak.
Kung kailangang lumabas, mabuting protektahan ang balat mula sa direktang sikat ng araw gamit ang sunblock at ang mga mata mula sa harmful UV rays, gamit naman ang sunglasses.
Kaya sa mga madalas na nasa labas, alagaan at protektahan ang ating sarili.
Gayundin, ang mga kandidato at supporter na tuloy ang kayod sa pangangampanya.
Huwag masyadong sagarin ang katawan baka hindi umabot sa eleksiyon.
Puwede namang magsagawa na lang ng campaign rally sa covered court o malililim na lugar.
Kung magbabahay-bahay, gawin na lang sa umaga.
Iba’t ibang sakit ang naidudulot ng panahon, kailangang magdoble-ingat dahil tayo pa rin ang pangunahing responsable sa ating kalusugan.





Comments