top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

5 patay, simbahan, airport, supermarket gumuho, poste, arko bumagsak, kalsada bumiyak | LUZON NIYANI

V. Reyes
Apr 23, 2019
3 min read

LIMA ang sinasabing nasawi kaugnay ng Magnitude 6.1 na lindol, kahapon.

Ayon kay Pampanga Gov. Lilia Pineda, batay sa paunang impormasyon ay dalawa ang namatay sa bayan ng Lubao habang tatlo naman sa Porac.

Nauna nang kinumpirma ni Porac Vice-Mayor Dexter David na kabilang sa mga namatay ang mga bata. Hindi rin bababa sa 20 ang naiulat na nasugatan sa Pampanga.

Tinatayang 40 katao ang naipit sa pagguho ng supermarket sa bayan ng Porac. Nagpapatuloy pa ang search and rescue operations.

Samantala, 24 oras na sarado sa operasyon ang Clark International Airport Corporation (CIAC) dahil sa pinsalang idinulot ng lindol kung saan bumigay ang kisame at bahagi ng dingding nito.

Ayon kay Department of Transportation Spokesperson Goddes Libiran, kinailangang suspendihin ang operasyon ng paliparan para masuri ang lawak ng naging pinsala ng lindol.

Ilang istruktura rin sa Pampanga ang bumagsak, kasama ang isang Simbahan sa kasagsagan ng lindol.

May naiulat ding nagbagsakang poste ng kuryente at arko habang ilang kalsada rin ang bumiyak. Nawalan naman ng suplay ng kuryente ang mga bayan ng Mariveles, Orani, Morong sa Bataan, gayundin sa Balanga City kasunod ng lindol.

Ayon pa sa Bataan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nagkaroon ng sunog sa Bataan Refinery Center sa bayan ng Limay na epekto ng pagyanig.

Magnitude 6.1 lindol

NIYANIG ng Magnitude 6.1 na lindol ang Zambales, gayundin ang iba pang bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila, Lunes ng hapon.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), natunton ang epicenter ng lindol sa layong labingwalong kilometro ng Castillejos, Zambales. May lalim na 12 kilometro ang lindol na tectonic ang origin.

Naitala ng Phivolcs ang lindol alas-5:11 ng hapon kung saan naramdaman ang Intensity V sa San Felipe, Zambales; Malolos at Obando, Bulacan; Quezon City; Lipa, Batangas; Manila City; Abucay, Bataan; Valenzuela City; Magalang, Pampanga.

Intensity IV naman ang naitala sa Pasig City; Makati City; Caloocan City; Meycauayan at San Jose del Monte, Bulacan; Floridablanca, Pampanga; Villasis, Pangasinan; Tagaytay City; Baguio City; Marikina City; Las Piñas City.

Naitala rin ang Intensity III sa Dasmariñas, Indang at Gen. Trias, Cavite; Lucban, Quezon; Muntinlupa City, Cabanatuan City; Palayan City; Gapan City; Santo Domingo at Talavera, Nueva Ecija habang Intensity II sa Baler, Aurora.

Kung pagbabatayan ang Instrumental Intensities ng Phivolcs, naitala ang Intensity V sa Angeles City; Malolos, Bulacan; Intensity IV sa Quezon City; San Juan City; Pasig City; Muntinlupa City; Gapan City; Cabanatuan City; Tagaytay City; San Ildefonso, Bulacan; Intensity III sa Mauban, Quezon; Talisay, Batangas; Guagua, Pampanga; Olongapo City; Intensity II sa Lucena City; Dolores at Lucban, Quezon; Dagupan City; Daet, Camarines Norte at Intensity I sa Guinayangan, Quezon; Calatagan, Batangas; Magalang, Pampanga; Sinait, Ilocos Sur.

Tinatayang tumagal ng 30 segundo ang pagyanig.

Matapos ang malakas na pagyanig, may mga sumunod ding aftershocks na naitala sa Olongapo City, Angeles City sa Pampanga at Castillejos sa Zambales.

Operasyon ng mga tren sinuspinde

ALAS-5:12 ng hapon nang suspendihin ng Metro Rail Transit Line 3, Light Rail Transit 1 at 2 ang mga operasyon nito matapos ang malakas na pagyanig.

Layon nito na masuri muna ang katatagan ng mga istruktura ng mga tren upang matiyak na ligtas na maipagpatuloy ang operasyon.

Pinababa ang lahat ng mga pasahero at inabisuhan ang publiko na aabutin ng limang oras na observation period.

Mag tao sa mall at gusali sa metro manila, pinalabas

INOBLIGANG lumabas muna ng mga gusali at mall sa Makati City, Mandaluyong City at Quezon City ang mga tao kasunod ng Magnitude 6.1 na lindol.

Ang iba ay nag-unahang lumabas ng gusali matapos maramdaman ang malakas at may katagalang lindol.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page