Hamon ng AFP sa Makabayan bloc: PATUNAYANG ‘DI KAYO KAKAMPI NG NPA
- V. Reyes
- Apr 22, 2019
- 2 min read

LANTARAN nang naghamon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc na patunayang hindi kakampi o protektor ng New People’s Army (NPA) sa pamamagitan ng hayagang pagkondena sa komunistang grupo.
Diin ni Major General Antonio Parlade, Jr., pinuno ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ito na ang tamang pagkakataon na patunayan ng Makabayan bloc sa Kamara na mali ang AFP sa pagparatang na iisa ang adhikain ng NPA at ng mga militanteng kongresista.
“Puwede n’yo bang i-kondena ang mga teroristang NPA sa mga pinaggagagawa nilang karahasan? Kung hindi n’yo magawa ito, wala nga kayong pinag-iba kay Joma Sison, sampu ng kanyang kampon sa Kamatayan (Makabayan) bloc,” ani Parlade.
Sakali aniya na matakot ang Makabayan bloc na kondenahin ang NPA, sinabi ni Parlade na patunay lang ito na ang mga mambabatas ang nagsisilbing “legal front” ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Nanawagan din ang AFP sa lahat ng mga Pilipino na huwag magpalinlang sa mga matamis na pangako ng mga makakaliwang grupo.
“Idadamay at ipapahamak lang kayo habang sila ay nagpapasarap at nagtatago sa legalidad ng Kongreso,” dagdag ni Parlade.
Aniya, walang dahilan upang magalit sa kanila ang Makabayan bloc sa pag-akusa na sila ay may kaparehong adhikain ng mga komunista dahil sa mga pahayag ni Jose Ma. Sison, founding chairman ng CPP.
Ang CPP-NPA ay kasama sa listahan ng Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand at Pilipinas bilang “terrorist organization”.
Sa isang kalatas na ipinost ng AFP Civil Relations Service sa kanilang Facebook account nitong nakaraang ika-13 ng Abril, tahasan nitong inakusahan ang Makabayan bloc bilang “house fronts” ng CPP- NPA at ng National Democratic Front.
Nauna na ring itinanggi ng Makabayan bloc ang paratang sa pagsasabing ang kanilang mga partylist group sa darating na midterm elections ay hindi legal front ng CPP-NPA.
Pinanindigan naman ng AFP ang paratang laban sa Makabayan bloc.





Comments