top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

CARIÑO AT 7 PANG PINOY RIDERS SASABAK SA ASIAN ROAD CYCLING

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 22, 2019
2 min read

PANGUNGUNAHAN ni Daniel Ven Cariño ang pitong Filipino riders na nakatakdang sumabak sa 2019 Asian Road Cycling Championship na gaganapin sa Uzbekistan.

Magtatangka ang mga kabataang siklistang Pinoy na masundan ang yapak nina Rustom Lim at Rex Luis Krog na nagsipagwagi ng medalya mula sa taunang continental race.

Ang 21-anyos na si Cariño, Best Young Rider ng 2018 Le Tour de Filipinas buhat sa Mangaldan, Pangasinan ay nakatakdang sumalang na una sa dalawang events na kan­yang sasalihan - ang 40-kilometer Men Under-23 individual time trial (ITT) sa Miyerkules ganap na 3:30 p.m., 6:30 ng gabi sa oras dito sa Pilipinas.

Mauunang sumabak sa kanya ng 1 p.m. doon at 4 p.m. naman sa oras dito ang 18-anyos na si Marc Ryan Lago ng Taguig City sa 30-km Men Junior bilang simula ng kam­panya ng koponan na ipinadala ni PhilCycling President Abraham Tolentino at Secretary General Atty. Billy Sumagui sa pagsuporta ng Go For Gold.

Gagabayan ng kanilang coach na si Ednalyn Hualda, na siya ring team manager ng continental team Go For Gold, ang Men Junior squad nina Lago, Efren Reyes Jr. (18) at Ean Cajucom (17) ay sasabak sa 105.6-km Men Junior indi­vidual road race na magsisi­mula at magtatapos sa Gazalkent kung saan hangad nilang duplikahin kung hindi man ay malampasan ang silver medal finish ni Krog noong 2018 championship sa Myanmar at bronze medal ni Lim na nakuha sa Thailand noong 2011.

Pangungunahan ni Cariño ang Under 23 squad sa indi­vidual road race na may distansyang 148.40-km na gaganapin din sa Gazalkent.

Hindi lang haharapin ng Pinoy riders ang mga katung­gali mula sa iba pang bansa sa Asya, nakatakda rin nilang suungin ang napakatinding lamig na umabot ng 14 degrees centigrade ang pinakamababa.

Kukumpletuhin nina Ismael Gorospe Jr., Joshua Mari Bonifacio at Jericho Lucero ang Under 23 roster na inaasahan ng PSC sa ilalim ni Chairman William Ramirez na magiging future ng Philippine cycling.

Samantala, isusumite rin ng PhilCycling ang kanilang bid para mag-host ng Asian BMX Championship sa 2020 sa idaraos na Asian Cycling Confederation Congress sa Biyernes sa International Hotel Tashkent. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page